National pharmacare sa B.C. (Tagalog)

Last updated on April 8, 2026

Inilunsad noong Marso 1, 2026 ang BC PharmaCare National Pharmacare Plan (Plan NP) para sa mga residente ng B.C.

Sa tulong ng pondo sa federal national pharmacare, napalawak ng BC PharmaCare ang coverage para sa ilang kagamitan at device para sa diabetes sa ilalim ng Fair PharmaCare, Plan C at Plan F. Napalawak din ang coverage para sa mga device sa ilalim ng Plan B.

English繁體中文 | 简体中文 | Français​ | Tagalog | ਪੰਜਾਬੀ

Sa page na ito:

Plan NP

Sinasagot ng Plan NP ang buong halaga ng maraming gamot para sa diabetes, mga kontrasepsiyon at menopausal hormone therapy (MHT).

Kung mayroon kang diabetes, makukuha mo nang libre ang ilang gamot tulad ng:

  • Metformin, na maaaring umabot nang humigit-kumulang $100 kada taon
  • Insulin, na maaaring umabot mula $900 hanggang $1,700 kada taon
  • Sulfonylureas at SGLT-2 inhibitors, na maaaring umabot mula $100 hanggang mahigit $1,000 kada taon

Mayroong ilang gamot na di-buo o partial ang coverage. Sa ilalim ng Low Cost Alternative (LCA) program, kadalasang maaaring palitan ng isang pharmacist o nagbibigay ng reseta ang isang gamot na di-buo ang coverage (hal., brand name) sa isang kapantay na ligtas at epektibong produkto na masasagot nang 100% (hal., generic). Mas mababa ng 15% hanggang 90% ang halaga ng mga generic na gamot kaysa sa mga branded na gamot. Sinusuportahan ng LCA program ang matalinong paggamit ng pagpopondo para sa coverage ng mga gamot.

Para sa ilang gamot sa diabetes (saxagliptin, linagliptin at pioglitazone), dapat na magpasa ng isang Special Authority (SA) request ang nagreseta ng gamot para masakop ng coverage. Upang masakop ng coverage, dapat ma-approve ang SA request bago ibigay ang iyong resetang gamot. I-track ang mga SA request sa Health Gateway.

Kung mayroon kang mga gamot na sakop ng BC PharmaCare bago sumapit ang Marso 1, mako-cover pa rin ang mga ito. Ang ilan sa mga ito ay maaaring masagot nang 100% sa ilalim ng Plan NP. Awtomatiko ang paglipat ng coverage. Maaaring hindi na kailangan ng Special Authority ang ilang gamot para ma-cover ito.

Ang mga gamot na naibigay sa ilalim ng Plan NP ay hindi naisasama sa deductible o family maximum ng Fair PharmaCare.

Ang mga residente ng B.C. ay dapat naka-enroll sa Medical Services Plan ng BC (MSP) para maging kwalipikado.

Pagpapatupad

Ang mga residente ng B.C. ay dapat naka-enroll sa BC Medical Services Plan (MSP) para maging kwalipikado. Kung nag-apply ka at hindi pa aktibo ang iyong coverage para sa MSP, maaari kang matulungan ng pharmacist para makakuha ng exceptional coverage.

Awtomatikong maibibigay ang coverage sa mga botika tulad ng ibang plano ng BC PharmaCare. Hindi mo kailangang magrehistro para sa coverage o magpasa ng mga resibo.

Para sa coverage:

  1. Ipakita ang reseta para sa covered na gamot at iyong BC Services Card sa botika.
  2. Ipoproseso ng pharmacist ang reseta at ibibigay ang iyong gamot. Para sa mga gamot na buo ang coverage, wala kang babayaran. Hindi ka pagbabayarin ng pharmacist para sa mga gamot o anumang kaugnay na serbisyo, kabilang ang mga dispensing fee.

Palaging humingi ng reseta para makakuha ng pinakamahusay na coverage ng PharmaCare. Maaari ka ring magtanong sa pharmacist kung nag-substitute sila para sa iniresetang gamot na kapantay na ligtas at epektibo, ngunit mayroong mas magandang coverage.

Sakop ng coverage

Kung mayroon kang reseta para sa isang gamot na sakop ng Plan NP, mako-cover ito. Hindi mahalaga kung para saan ang reseta. Hindi kasama dito ang saxagliptin, linagliptin at pioglitazone, na kailangan ng Special Authority, at mga insulin na hindi sakop ng benepisyo.

Mga gamot para sa diabetes

  • Mga insulin
  • Metformin
  • Glyburide
  • Gliclazide
  • Dapagliflozin
  • Empagliflozin
  • Empagliflozin na may metformin

Kailangan ng Special Authority para ma-cover ang mga medikasyon para sa diabetes na nakalista sa ibaba. Upang masakop ng coverage, dapat ma-approve ang SA request bago ibigay ang iyong resetang gamot. I-track ang mga SA request sa Health Gateway.

  • Linagliptin
  • Linagliptin na may metformin
  • Pioglitazone
  • Saxagliptin
  • Saxagliptin na may metformin

Mahahanap ang buong listahan ng mga covered na gamot sa Plan NP diabetes medications

Mga menopausal hormone therapy (MHT)

  • Oral conjugated estrogen
  • Oral medroxyprogesterone
  • Oral micronized progesterone
  • Vaginal estrogen
  • Topical estrogen at estrogen/progesterone (mga gel at patch)
  • Oral estradiol

Mahahanap ang buong listahan ng mga covered na menopausal hormone therapy sa Plan NP menopausal hormone therapy.

Mga kontrasepsiyon

  • Karamihan ng mga may resetang contraceptive pill
  • Mga intrauterine device (IUD) – hormonal at copper
  • Hormonal implant
  • Mga hormonal vaginal ring
  • Contraceptive injection (kontrasepsiyon na tinuturok)
  • Emergency contraception (hindi kailangan ng reseta)

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kontrasepsiyong sakop ng Plan NP, pumunta sa Free contraceptives

Pinalawak na coverage para sa mga kagamitan at mga device para sa diabetes

Sa tulong ng pagpopondo mula sa national pharmacare ng pederal na pamahalaan, napalawak ang PharmaCare coverage para sa mga alcohol wipe, mga lancet at mga ketone strip. Kasama sa coverage na ito ang:

  • Fair PharmaCare
  • Plan C
  • Plan F

Mayroon pa ring coverage sa pamamagitan ng Plan W.

Mayroong karagdagang impormasyon tungkol sa pinalawak na coverage para sa mga kagamitan para sa diabetes sa Diabetes management.

Mga device

Pinalawak ang PharmaCare coverage para maisama sa coverage ang dalawang hybrid closed-loop (HCL) automated insulin delivery system, ang mylife Ypsopump at Omnipod 5 automated insulin delivery system. Para maging kwalipikado para sa coverage, ang magbibigay ng iyong reseta ay dapat magsumite ng isang Special Authority (SA) request sa iyong ngalan.

Mayroong karagdagang impormasyon sa Insulin pumps & insulin pump supplies.

Background

Noong Marso 6, 2025, nilagdaan ng Province of B.C. at Pamahalaan ng Canada ang isang kasunduan para sa pagpapatupad ng national pharmacare sa B.C., kung saan ang pederal na pamahalaan ay magbibigay ng hanggang $670 milyong pagpopondo sa loob ng tatlong taon. Sa ilalim ng kasunduan, nagsimula sa B.C. noong Marso 1, 2026 ang 100% coverage para sa mga kwalipikadong kontrasepsiyon, mga gamot para sa Type 1 at Type 2 diabetes, at hormone replacement therapy (HRT), na kilala na ngayon bilang menopausal hormone therapy (MHT).

Mayroong mga tanong?

Makipag-ugnayan sa amin. Naghahatid kami ng mga serbisyo para sa interpreter sa mahigit 140 wika.