Pagkilala ng propesyonal na kredensiyal mula sa ibang bansa

Publication date: November 9, 2023

Ginagawang mas transparent, mabilis at madali, at makatarungan ng pamahalaan ng B.C. ang proseso ng pagkilala ng propesyonal na kredensiyal mula sa ibang bansa.

English | 繁體中文 |  简体中文 Français | ਪੰਜਾਬੀ | हिन्दी | Tagalog | فارسی

Huling binago:  Nobyembre 9, 2023



Buod ng bagong lehislasyon para sa fair credential recognition

Ngayong fall, ipinakilala ng B.C. ang isang bagong lehislasyon para sa fair credential recognition (makatarungang pagkilala ng mga kredensiyal) na naglalayong mabawasan ang mga hadlang para sa mga propesyonal na nagsanay sa ibang bansa na naghahanap ng trabaho dito sa B.C. Nakatanggap ng Royal Assent noong Nobyembre 8, 2023 ang International Credentials Recognition Act, at maipapatupad ito sa susunod na summer.

Inaasahan ng B.C. ang isang milyong bakanteng trabaho sa susunod na dekada. Marami sa mga trabahong ito ay kailangang punan ng mga indibidwal na nagsanay o nagtrabaho sa ibang bansa. Kadalasang nakakaranas ang mga internationally trained professional ng mga hindi makatarungang hadlang at matagal na paghihintay bago makapagtrabaho sa kanilang propesyon. Sa pamamagitan ng pagsuporta sa kanila, matutugunan ng pamahalaan ang mga pangangailangan sa kasalukuyan at sa hinaharap para sa mga in-demand na trabaho, at mapatatag ang ekonomiya ng B.C.


Aksiyon ng pamahalaan

Kasalukuyang progreso

Ang mga awtoridad para sa regulasyon ng propesyon ay may mahalagang papel sa pagtugon sa kakulangan ng mga skilled professional. Sila ang nagsasagawa ng ebalwayson at nagbibigay ng lisensiya para makapagtrabaho ang mga propesyonal sa B.C. Nagsasagawa ng mga hakbang ang province upang mas mapahusay ang mga kasanayan o gawi ng pamamahala ng mga professional regulator para matiyak na makatarungan, mabilis, madali at transparent ang proseso.

  • Naitatag ang mga makabagong professional governance framework upang mabuo ang mga tanggapan ng superintendent para sa mas mahusay na proseso ng oversight (pagsubaybay) at matiyak na ang mga awtoridad ng regulasyon ay nagsasagawa ng mga aksiyon ayon sa pinakamabuting interes para sa publiko:
  • Ipinatupad noong Marso 2022 ang Skilled Trades BC Act upang masuportahan at mag-train ng mga mamamayan para sa kritikal na propesyon ng skilled trades sa buong B.C.
  • Noong 2022, inilunsad ang Health Human Resources Strategy (PDF, 2800KB), kung saan ibinalangkas ang 70 pangunahing aksiyon upang mapatatag ang lupon ng mga manggagawa para sa sektor ng health care. Nilalayon ng estratehiyang ito na pahusayin ang pangangalaga para sa mga pasyente, pagtanggal ng mga hadlang para sa mga health care worker na nagsanay sa ibang bansa, at pahusayin ang health care system upang maitaguyod ang satispaksiyon at inobasyon sa trabaho
  • Noong Mayo 2023, inilabas ang StrongerBC: Future Ready Action Plan (PDF, 3000KB). Idinedetalye ng plano kung paano makakatulong ang pamahalaan para magkaroon ng skills ang mga mamamayan para makahanap sila ng magagandang trabaho at matulungan ang mga negosyo sa pagtanggap at pagpapanatili ng mga empleyado

Public engagement para sa pagkilala ng mga kredensiyal mula sa ibang bansa

Noong Hulyo 2023, inilabas ang What We Heard: Public Engagement on International Credential Recognition (PDF, 2100KB). Kabilang sa report na ito ang feedback mula sa 1,450 katao na tinanong namin nitong Spring 2023 kung paano makakatulong ang Province sa:

  • Pagpapahusay ng proseso para sa pagkilala ng mga kredensiyal
  • Pagtanggal ng mga walang saysay na hadlang sa pagkilala ng mga propesyonal na kredensiyal mula sa ibang bansa

Kasama sa feedback ng mga sumagot sa survey ang:

  • Inconsistent o hindi pare-parehong impormasyon: “Napakahirap humanap ng tamang impormasyon. Walang nagbibigay ng parehong impormasyon”
  • Hindi sapat na suporta: “Kung nalilito ako tungkol sa isang bagay, walang kahit isang tao akong makausap. Pinagpapasa-pasahan lang ako at sa huli, ako lang rin ang naghanap ng paraan para maintindihan ito”
  • Mahirap na pagrehistro: “Hindi ko pa nasubukan na magrehistro dahil ito ay kumplikado, matagal, at dahil may kamahalan ang mga bayad para dito”

Ginagamit ng Province ang feedback ng publiko upang mapahusay ang proseso ng pagkilala ng mga kredensiyal mula sa ibang bansa dito sa B.C. at para gabayan ang pagbuo ng bagong lehislasyon.


International Credentials Recognition Act

Ang bagong batas na ito ay makakatulong sa mga awtoridad ng regulasyon upang maging mas mahusay, mas makatwiran, mas mabilis at mas madali ang proseso ng pagkilala ng mga kredensiyal. Ginagawa namin ito upang magamit ng mga mamamayan ang kanilang mga kakayahan para makapagtrabaho sila dito sa B.C. – saanman sila nagsanay.

Layunin ng bagong lehislasyon

Ibinabalangkas ng batas ang mga bagong responsibilidad at tungkulin para sa maraming professional regulator.

Maging mas patas

Gagawing makatarungan, makatwiran at walang kinikilingan ang pagtrato sa mga aplikante.  Kasama sa mga probisyon ang:

  • Pagtanggal ng mga hindi makatarungang requirement para sa karanasan sa trabaho sa Canada (Canadian work experience) 
  • Pagbabawal ng pangangailangan sa mga aplikante na magbigay ng bagong English language test results kung nakapagpasa na sila ng may bisang resulta 
  • Paniningil ng parehong bayad para sa mga aplikanteng galing sa ibang bansa (international) at galing sa Canada (domestic)

Maging mas efficient (madali at mabilis) ang proseso 

Makukuha ng mga aplikante ang impormasyong kailangan nila para mabilis at walang pagpapaliban na makuha ang sertipikasyon ng propesyon. Upang mabawasan ang oras ng paghihintay, magtatakda ang Province ng maximum o pinakamatagal na panahon para sa pagproseso ng mga regulator.

Matiyak ang transparency (pagiging malinaw) 

Kasama sa mga bagong requirement para matiyak ang transparency ang pag-require sa mga awtoridad ng regulasyon na i-post online ang lahat ng impormasyon tungkol sa kanilang mga proseso sa ebalwayson ng mga kredensiyal. Makakatulong ito para mas madaling maintindihan ng mga aplikante kung paano maging sertipikado.

Magkaroon ng accountability (pananagutan) 

Ang mga awtoridad ng regulasyon ay magkakaroon ng pananagutan sa pamahalaan at sa publiko para maprotektahan ang pampublikong kalusugan, kaligtasan at ang kalikasan. Gagawin nila ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga ingklusibo at patas na proseso, na tumutulong para maging sertipikado ang lahat ng kwalipikadong applicant. Titiyakin na mayroong pananagutan sa pamamagitan ng mga bagong requirement sa reporting o pag-uulat at sa mga awtoridad ng pagpapatupad.

Patatatag ng isang superintendent

Magtatakda ang Province ng isang bagong superintendent na responsable sa pag-promote ng Fair Credential Recognition, pagsubaybay sa mga ginagawa ng mga awtoridad ng regulasyon at pagpapatupad ng bagong lehislasyon.


Timeline

Proseso ng lehislasyon

 

  • Oktubre 23, 2023: Ipinakilala ang lehislasyon
  • Nobyembre 8, 2023: Nakatanggap ng  Royal Assent ang lehislasyon

 

 

Implementasyon

  • Winter/Spring 2024: Pagtatatag ng Office of the Superintendent at pagbuo ng mga regulasyon upang masuportahan ang implementasyon 
  • Winter/Spring 2024: Pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng regulasyon tungkol sa pagtransisyon sa mga bagong tungkulin at responsibilidad 
  • Summer 2024: Pagpapatupad ng lehislasyon

Mga awtoridad ng regulasyon at mga propesyon na sakop ng bagong lehislasyon 

Mga awtoridad ng regulasyon na sakop ng lehislasyong ito

Sasakupin ng bagong lehislasyon ang 18 awtoridad ng regulasyon:

  • Applied Science Technologists and Technicians of BC 
  • Architectural Institute of BC 
  • Association of BC Forest Professionals 
  • Association of BC Land Surveyors   
  • Association of Professional Engineers and Geoscientists of BC 
  • BC College of Social Workers
  • BC Institute of Agrologists 
  • BC Registered Music Teachers’ Association   
  • BC Society of Landscape Architects   
  • College of Applied Biologists 
  • College of Veterinarians of BC  
  • Director of teacher certification (and BC Teachers’ Council) 
  • Director of the Early Childhood Educator Registry
  • Emergency Medical Assistants Licensing Board 
  • Law Society of BC 
  • Organization of Chartered Professional Accountants of BC  
  • Society of Notaries Public of BC 
  • Superintendent of Real Estate (at BC Financial Services Authority) 

Para sa kumpletong listahan ng lahat ng awtoridad ng regulasyon sa B.C., mangyaring bisitahin ang website para sa Professional Regulatory Authorities

Impormasyon tungkol sa mga propesyon na sakop ng bagong lehislasyon

Maaapektuhan ng bagong lehislasyon ang 29 na propesyon sa iba’t ibang sektor, kabilang ang construction, environmental sciences, pagtuturo at social work. 

Basahin ang career profile na kaugnay ng bawat propesyon (available lamang sa wikang Ingles ang impormasyong ito): 

I-share

Para i-share kung ano ang ginagawa ng pamahalaan ng B.C. para makilala ang kredensiyal ng mga propesyonal na nagsanay sa ibang bansa, i-download ang mga poster (PDF, 2MB).


Resources at mga suporta para sa internationally trained professionals (mga propesyonal na nagsanay sa ibang bansa)

Nais tiyakin ng Province na ang mga propesyonal na nagsanay sa ibang bansa ay maaaring matuloy ang kanilang mga propesyon dito sa B.C. – sila man ay matagal nang nakatira dito o lilipat pa lang sa province. Mayroong mga sumusunod na resources upang matiyak na malaman ng mga skilled at may karanasang propesyonal ang mga impormasyong kailangan nila:

Karagdagang impormasyon tungkol sa propesyonal na sertipikasyon sa B.C.

Upang maunawaan kung kailangan mo ng sertipikasyon para sa iyong propesyon at kung paano ito makukuha, bisitahin ang Getting Certified to Work in B.C.

Mga kailangan para mag-apply para sa sertipikasyon

Maraming trabaho sa B.C. ang pinamamahalaan ng isang awtoridad ng regulasyon. Alamin ang naaangkop na Professional Regulatory Authority upang makumpirma kung ano ang mga kailangan mong dokumento upang maipakita ang iyong kaalaman, kakayahan at karanasan.

Bakit dapat kang magtrabaho dito sa B.C.

Kung pinag-iisipan mo pa rin kung dapat ka bang lumipat sa B.C., alamin kung bakit ang B.C. ang isa sa mga pinakamagandang lugar na lipatan sa Canada.


Resources at mga suporta para sa mga health care worker na nagsanay sa ibang bansa

Ang lahat ng nakatira sa B.C. ay dapat na mayroong access sa mataas na kalidad na health care, at mayroong matinding pangangailangan para sa mga health care workers. Upang makatulong na matiyak na lahat dito sa B.C. ay may access sa mataas na kalidad na health care, nagsagawa ng ilang aksiyon ang pamahalaan upang makapag-train at tumanggap ng mas maraming health care workers, at kabilang dito ang mga nagsanay sa ibang bansa. Kabilang sa mga aksiyon ang:

  • Pagtanggal ng mga bayad sa aplikasyon at assessment (ebalwasyon) para sa mga nurse na nagsanay sa ibang bansa
  • Pagbibigay ng mga bursary para sa mga allied health professional (tulad ng mga medical laboratory technologist, pharmacy technician at mga radiation therapist) na nag-aral sa ibang bansa upang mabawasan ang mga kaugnay na gastos para magkaroon ng lisensiya sa B.C. 

Kasama rin sa ibang resources at suporta ang:

Pagbibigay priyoridad sa mga health care at childcare worker

Makakatulong ang pagbibigay priyoridad sa mga health care at childcare worker sa pamamagitan ng BC Provincial Nominee Program para mapunan ang kritikal na pangangailangan para sa mas maraming health care worker at early childhood educator.

Pagbuo ng mga oportunidad para sa associate physician

Ang mga doktor na nagsanay sa ibang bansa na hindi kwalipikado para sa buong medical license sa Canada ay maaaring mag-apply para sa restricted licensure (may restriksiyong lisensiya) sa ilalim ng Associate Physician Classification. Maaari kilang magtrabaho sa ilalim ng superbisyon ng mga attending physician sa mga setting ng acute care at community primary care.

  • Makipag-ugnayan sa Health Match BC para sa impormasyon tungkol sa mga oportunidad para makapagtrabaho bilang associate physician

Pagtanggap sa mga family doctor na nag-aral sa ibang bansa

Ang pagpapalawak ng Practice Ready Assessment program para sa mga family doctor na nag-aral sa ibang bansa para makapagtrabaho sila nang may lisensiya dito sa B.C. ay makakatulong sa pagbaba ng kakulangan sa mga family doctor. Ang mga puwesto para dito ay magiging triple pagsapit ng Marso 2024, na magiging 96 mula 32.


Makipag-ugnayan 

Para sa mga pangkalahatang katanungan tungkol sa lehislasyong ito, magpadala ng email sa FairCredentials@gov.bc.ca